
Pinamamadali ni Senadora Imee Marcos ang pag-apruba sa panukalang batas na mag-aalis ng buwis sa buwanang kita ng mga manggagawa.
Iginiit ni Marcos na layon ng kanyang isinusulong na maibsan ang matinding epekto ng pagtaas ng presyo ng mga bilihin dulot ng kasalukuyang krisis sa langis.
Sa Senate Bill No. 2005 na inihain ng senadora, ipinatatakda sa ₱500,000 ang income tax exemption ng isang empleyado sa taunang kita mula sa kasalukuyang ₱250,000.
Pinatataas din ni Marcos ang ceiling ng mga bonus, kabilang ang 13th month pay at iba pang benepisyo na hindi pinapatawan ng buwis, sa ₱200,000 mula sa kasalukuyang ₱90,000.
Idiniin ng mambabatas na kailangang gawin ito upang mas malaki ang maiuuwi ng mga manggagawang Pilipino sa gitna ng sunod-sunod na pagsirit ng presyo ng mga bilihin.
Dagdag ng senadora, kung hindi kayang kontrolin at mabigyan ng agarang solusyon ng gobyerno ang problemang dulot ng giyera sa Middle East, dapat matiyak man lang na mas malaki ang maiuuwi ng bawat Pilipino para matustusan ang kanilang pang-araw-araw na pangangailangan.










