Cauayan City, Isabela- Nasungkit ng Tactical Operations Group (TOG) 2 na nakabase sa barangay San Fermin, Cauayan City, Isabela ang parangal bilang best Tactical Operations of the Year sa buong Pilipinas.
Ito ang ibinahaging impormasyon ni Col Augusto Padua, Group Commander ng TOG 2 sa naging panayam ng 98.5 iFM Cauayan sa kanya.
Personal nitong tinanggap ang parangal ng Tactical Operations Group kasabay ng ika-73 na anibersaryo ng Philippine Airforce noong July 1, 2020.
Pagkatapos aniya nitong makuha ang parangal ay pinangasiwaan din nito ang kanilang proyekto na blood letting activity katuwang ang mga pulis ng Regional Training Center 2 at ng Philippine National Red Cross Isabela Chapter.
Dagdag pa ni Col Padua, marami pa aniya silang mga nakalatag at ginagawang programa gaya ng pakikipagtulungan sa mga kasundaluhan sa paghuhulog ng leaflets sa mga liblib na lugar na may presensya ng makakaliwang grupo bilang hakbang upang mapigilan ang mga ito na sumapi sa New People’s Army (NPA) at maipaabot ang mga programa ng pamahalaan para sa mga magbabalik loob na rebelde.
Samantala, nakatakda naman sa July 16, 2020 ang muling pagkakaroon ng Isapang Pangkapayapaan, Usapang Pangkaunlaran o UP-UP Isabela na dinadaluhan ng iba’t-ibang ahensya ng gobyerno na layong magkaroon ng kapayapaan at matuldukan ang problema sa insurhensya sa bansa.