Beterano sa energy sektor ang dapat sumunod na energy secretary – Senador Win Gatchalian

Iginiit ni Senador Win Gatchalian na dapat ay may sapat na karanasan sa industriya at may pangmatagalang plano para sa seguridad ng enerhiya sa bansa ang magiging susunod na mamumuno sa Department of Energy o DOE.

Ayon kay Gatchalian, bilang chairman ng Committee on Energy sa nagdaang anim na taon sa senado ay nakita niya ang kalakaran sa industriya.

Kaya binibigyang diin ni Gatchalian na ang susunod na energy secretary ay dapat mayroong hindi matatawarang integridad, may taglay na technical expertise at karanasan sa buong industriya na magpapatupad ng mga hangarin ng gobyerno tungo sa energy transition, energy security and sustainability.


Dagdag pa ni Gatchalian, ang bagong mamumuno sa DOE ay dapat laging handa sa anumang nangyayari sa pandaigdigang pamilihan na maaaring makaapekto sa presyo at suplay ng mga produktong petrolyo tulad ng nararanasan natin ngayon.

Katwiran ni Gatchalian, hindi ordinaryo ang sektor ng enerhiya kaya mahirap sumabak dito kung walang sapat na kakayahan at karanasan ang uupo sa pwesto lalo na’t isinusulong natin ang mga kinakailangang reporma.

Ang pahayag ni Gatchalian ay kasunod ng balita na si dating congressman Rodante Marcoleta ang napipisil ni President-elect Ferdinand Bongbong Marcos Jr., na gawing kalihim ng DOE.

Facebook Comments