Sumakabilang buhay na ang beteranong aktor at direktor na si Antonio ‘Tony’ Mabesa noong Biyernes, Oktubre 4.
Ayon sa screenwriter na si Floy Quintos, pumanaw si Mabesa dakong alas-10:20 ng gabi sa edad na 84.
Pinasalamatan ng pamilya ang mga nakiramay at humingi muna ng ‘privacy’ habang nagluluksa sa pagkamatay ng premyadong artista.
Matatandaang nagtapos siya sa kursong Theater Arts sa University of the Philippines-Diliman at kumuha ng master’s degree sa University of California sa Los Angeles noong 1965.
Bukod sa pagiging magaling na TV at movie actor, kilalang guro at haligi ng teatro si Mabesa.
Siya rin ang founding artistic director ng Dulaang UP at UP Playwrights Theater.
Huli siyang bumida sa pelikulang “Rainbow’s Sunset” kung saan nanalo siya bilang “Best Supporting Actor” sa ginanap na Metro Manila Film Festival (MMFF) taong 2018. Kasama niya sa nasabing pelikula ang yumaong aktor na si Eddie Garcia.
Nakaburol ang labi ni Mabesa sa Arlington Memorial Chapels sa Araneta Avenue, Quezon City at nakatakda siyang i-cremate sa Miyerkules, Oktubre 9.