BFAR, maaaring maghain ng kasong “theft” laban sa mga Chinese vessels na nagtanggal at kumuha ng mga payaw sa West Philippine Sea

Maaaring maghain ng kaso ang Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) laban sa mga Chinese vessels na nagtanggal ng payaw na inilagay ng ahensya para makarami ng huling isda ang mga mangingisdang Pinoy sa West Philippine Sea.

Ayon kay Senator Francis Tolentino, Chairman ng Senate Special Committee on Maritime and Admiralty Zones, maaaring maghain ang bansa ng reklamo laban sa China na may kaugnayan sa kasong “theft” dahil maituturing na pagnanakaw ang ginawang pagkuha sa pag-aari ng bansa.

Sinabi pa ni Tolentino, na isa rin itong batayan para maghain ng diplomatic protest ang bansa laban sa China.


Magkagayunman, umapela ang senador na ang ginawang pag-alis ng China sa mga payaw sa WPS ay hindi dapat makahadlang para maglagay muli ng nasabing fishing device ang BFAR.

Iginiit pa ng mambabatas na dapat maisauli ng mga Chinese vessels ang mga kinuhang payaw sa ating teritoryo.

Facebook Comments