BFAR, natanggap na ang direktiba ng Senado na ipaliwanag ang pagbabawal ng mga imported na isda sa merkado

Nilinaw ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) na sakop ng Fisheries Administrative Order No. 195 ang lahat ng imported frozen fish na hindi awtorisadong ibenta sa mga wet market at supermarket.

Sa ilalim ng kautusan, maaari lamang ibenta sa mga hotel, restaurant at mga canning at processing industries ang mga imported na isda.

Ayon kay BFAR Chief Information Officer Nazario Briguera, matagal na silang nagsasagawa ng kahalintulad na operasyon at posibleng na-highlight lamang ang pompano at pink salmon dahil na rin sa pagtugon nila sa panawagan ng local fish industry hinggil sa paglipana ng mga naturang unregulated imported frozen fish sa merkado.


“May mga similar operations ding ginawa in the past nitong tungkol dito but hindi po tayo magmamagaling na ito yung panahon na naipatutupad lamang ito. Ang sinasabi po natin ay pinapaigting lang natin ang kampanya,” paliwanag ni Briguera.

“Pero yung operasyon po sa ngayon ay nagsisimula sa pagpapaunawa at pag-e-educate sa ating mga fish vendor. Hindi po tayo nagsimula doon sa crackdown o confiscation,” dagdag niya.

Samantala, natanggap na ng BFAR ang direktiba ng Senado kung saan pinagpapaliwanag ang ahensya hinggil sa plano nitong pagkumpiska sa mga imported na isda sa mga palengke at supermarket simula December 4.

Tiniyak ni Briguera na sasagutin nila ito sa lalong madaling panahon.

Habang ipinauubaya na ng ahensya kay Pangulong Bongbong Marcos ang pagsagot sa apela ng ilang grupo ng mga importers na huwag munang ipagbawal ang pagbebenta ng mga imported na isda sa mga supermarket hangga’t walang inilalabas na bagong fisheries administrative order (FAO).
“Yung sulat ay naka-address po sa pangulo, wala kami sa posisyon na magbigay o i-preempt yung anumang sagot doon sa apelang yun. Kami po ay maghihintay lamang kung may mga kautusan mula sa nakatataas,” saad ng opisyal.

Facebook Comments