Cauayan City, Isabela- Naglunsad ng ‘KADIWA’ outlet para sa mga fisherfolks o mangingisda ang Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) Region 2 upang tugunan ang mga bentahan sa merkado ng mga nahuhuling isda ng mga ito.
Ito ang kinumpirma ni Regional Director Milagros Morales sa panayam ng Philippine Information Agency (PIA) Region 2.
Ayon kay Morales, layunin ng nasabing proyekto na tulungan ang mga maliliit na mangingisda para direktang maibenta ng mas mabilis ang mga nahuhuling lamang-dagat.
Una nang sinimulan ang programa nitong lunes, Mayo 11,2020 at inaasahang tatagal ang nasabing proyekto hanggang sa maging maayos ang mga maliliit na mangingisda sa kanilang pamumuhay.
Giit ni Morales, problema ng mga mangingisda ang transportasyon sa mga pagbiyahe sa mga nahuhuling isda dahil sa ilang pagbabawal ng mga LGUs sa kabila ng COVID-19 pandemic.
Nagkaloob na rin ang BFAR ng mahigit sa 1 milyon na fingerlings na mga Tilapia sa iba’t ibang probinsya sa rehiyon.
Samantala, hinihimok naman ng BFAR ang publiko na gawin ang ‘AquaPonics’ bilang alternatibong paraan ng pagtatanim lalo pa’t kung limitado lang ang espasyo ng taniman sa kabahayan.