BFP Cauayan, Pabor sa pagkakaroon ng Armas sa Pagresponde!

*Cauayan City, Isabela- *Pabor ang Bureau of Fire Protection (BFP) sa Lungsod ng Cauayan sakaling mabigyan sila ng kagamitan gaya ng baril na layong magamit sa pagresponde.

Kasabay ito ng pahayag ni Pangulong Duterte na bibigyan ng armas ang hanay ng mga kawani ng pamatay sunog o BFP.

Sa naging panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay Fire Officer Aristotle Atal, handa naman sila na tanggapin ang nasabing armas sakaling magbaba ng kautusan ang Presidente sa kanilang hanay.


Ayon pa kay Atal, marami din kasing kaso ng insidente na naaagrabyado ang mga bumbero sa pagresponde sa National Capital Region pero kanya namang nilinaw na wala pa namang naitatalang ganitong insidente dito sa probinsya.

Bukod dito, Hinihiling rin ni Atal na sana’y mapagkalooban pa sila ng karagdagang kagamitan gaya ng aerial ladder upang magamit sa pagresponde.

Ipinagmalaki din ni Atal na bumaba ang insidente ng sunog sa Lungsod kumpara sa mga nagdaang taon at inaasahan na sa mga susunod na taon ay maitatayo na ang bagong tanggapan ng BFP Cauayan na nakahanay sa tanggapan ng PNP.

Facebook Comments