BFP Isabela, Muling Nagbigay ng Paalala ngayong Fire Prevention Month!

Cauayan City, Isabela- Nagpaalala ang Bureau of Fire Protection (BFP) Isabela kasabay ng pagdiriwang ng Fire Prevention Month ngayong Marso na may temang “Matuto ka, Sunog Iwasan Na”.

Sa eksklusibong panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay Fire Superintendent Apolonio Diaz, Provincial Fire Marshall ng Isabela, sinabi nito na ang isang pamilya ay dapat marunong umiwas sa mga maaaring sanhi ng sunog.

Huwag aniyang hayaan na nakasaksak sa buong magdamag ang mga appliances upang hindi mag-over heat at alisin lahat ang mga nakasaksak na bagay kung aalis ng bahay.


Tiyakin din aniya na nakapatay ang LPG pagkatapos itong gamitin.

Kailangan rin na ipatingin sa mga electrician ang wire ng kuryente upang matiyak kung walang sira o safe pang gamitin.

Dapat ay mayroong din fire extinguisher sa loob ng bahay at may ‘EXIT’ na pwedeng daanan ng pamilya sakaling magkaroon ng di inaasahang sunog.

Importante din aniya na dapat ang isang pamilya ay alam ang hotline ng BFP, PNP at iba pang kinauukulang ahensya na maaring lapitan kung sa mga di inaasahang sunog o sakuna.

Huwag mag-panic at agad na itawag sa pinakamalapit na fire station upang agad itong marespondehan.

Dagdag pa ni Fire Supt Diaz, kailangan lamang na maging responsableng mamamayan upang maiwasan ang mga ganitong sakuna.

Facebook Comments