Luna, Isabela – Ipinapaabot ng Bureau of Fire Protection(BFP) Region 2 sa pamamagitan ni Regional Director SSupt Joselito Cortez ang ibayong pag-iingat ngayong kapaskuhan lalo na sa mga dekorasyong Christmas lights.
Sa pakikipag ugnayan ng regional director sa lokal na media kasama na ang RMN Cauayan ay kanyang sinabi na karamihan sa mga murang Christmas lights ngayon ay sub-standard.
Ipinaalala din niya na karamihan sa mga sunog na nangyayari sa kada taon ay sa panahon ng Yuletide Season o sa pagdiriwang ng mga Pilipino ng pasko at bagong taon.
Isinabay din niyang ipinaalala sa mga mamamayan ang pag-iwas sa paputok dahil ito din ang nagiging sanhi ng sunog at disgrasya.
Kung gagamit din daw ng paputok ay dapat yung legal at pinapayagan ng batas.
Ang naturang pakikipag-ugnayan sa media na kasabay ng inagurasyon ng “typical fire station” na pinasinayaan kahapon, Disyembre 7, 2017 sa Luna, Isabela.
Isinabay na rin ni Regional Director Cortez ang kayang pasasalamat kay Luna, Isabela Mayor Jaime Atayde dahil sa inilaang lupa na pinatayuan ng fire station sa naturang bayan.