Cauayan City, Isabela-Nilinaw ng kapitan ng barangay Nagrumbuan sa Lungsod ng Cauayan ang alegasyon sa umano’y pag-apruba nito ng mga mabibigyan ng ayuda sa hindi naman higit na apektado ng kinakaharap na pandemya ng bansa.
Ayon kay Kapitan Nena Velasco, nagboluntaryo ang mga barangay health worker (BHW) na nakatalaga sa bawat purok upang maglista ng mga residente na mabibigyan ng ayuda na apektado ng nararanasang krisis ng bansa dahil sa COVID-19.
Paliwanag ng opisyal, kasama rin sa listahan ang mga miyembro ng pamilya ng nasabing BHW na nagngangalang ‘Shirley Velasco’ na posibleng tumanggap ng tulong pinansyal sa iba pang ahensya ng gobyerno.
Una nang iginiit ng kapitan na huwag isama sa listahan ang mga nabigyan na ng ayuda mula sa Department of Agriculture maging ang mga miyembro ng Pantawid Pamilya Program dahil sa otomatikong may ayuda ang mga ito.
Bago ito, gumawa ng liham ang mga anak ng BHW sa tanggapan ng kapitan para ipabatid na walang kapangyarihan ang kanilang ina na mag-apruba ng mga karapat-dapat na mabenepisyuhan ng pamahalaan at iginiit umano ng BHW na magreresign na ito sa kanyang trabaho ng magkaroon sila ng pagpupulong.
Samantala, muli namang binuksan ng kapitan ang isyu sa Bagyong Rosita dahil ang nasabing BHW ay isinama din sa listahan ang pangalan ng kanyang anak, manugang na hindi na hindi naman nakaranas ng pinsala sa paghagupit ng bagyo maging ang kapatid nito na naninirahan naman sa ibang barangay ay pawang nailista rin.
Nakatanggap naman ng petisyon si Kapitan Velasco hinggil naman sa hiling ng nakararaming residente na tanggalin na ang BHW sa kanyang tungkulin.
Tiniyak naman ng opisyal na gagawin nito ang lahat para hindi na humantong pa sa kinakailangang tanggalin ito sa serbisyo.