BI, bumuo ng Fact Finding Committee na mag-iimbestiga sa nabunyag na “pastillas” scheme

Naglatag ng panibagong hakbang ang Bureau of Immigration (BI) para matigil na ang ilang iligal na gawain sa loob ng ahensiya.

Kasunod ito ng pagkakabunyag ng “pastillas” scheme kung saan nagbabayad ang mga Chinese nationals na pumapasok sa bansa bilang mga turista at matapos nito ay magtatrabaho sa Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) hubs sa mga tauhan sa immigration at sa iba pang Chinese at Filipino travel agencies sa halagang P10,000 na nakarolyo sa isang bond paper.

Matatandaan na nadismaya si Immigration Commissioner Jaime Morente sa mga opisyal at iba pang tauhan ng kanilang ahensya na sangkot sa nasabing iligal na gawain.


Kaya dahil dito, ipinag-utos ng opisyal ang pagbuo ng Fact Finding Committee na siyang bubusisi sa iligal na gawain at binigyan niya ito ng 15 na araw upang mag-imbestiga at magsumite ng ulat.

Una na rin napag-alaman na kabilang sa immigration blacklist ang mga Chinese nationals na sinabing nakapasok sa bansa sa pamamagitan ng “pastillas” scheme kung saan malaki daw ang kita umano ng mga sangkot na opisyal ng immigration.

Facebook Comments