Pinag-iingat muli ng Bureau of Immigration (BI) ang publiko matapos na napaulat ang pagbabalik ng love scammers kung saan sa pagkakataong ito ay ginagaya umano ang lagda ni Commissioner Norman Tansingco para makapanloko ng mga banyaga para makakuha ng pera.
Sa isang statement, sinabi ni Tansingco na nakatanggap ang BI ng report kaugnay sa isang Australian na humingi ng tulong dahil ang kaniyang kaibigan umanong Pinay na nagngangalang Victoria ay nakadetine sa Clark International Airport bago ang kaniya sanang departure patungong Australia.
Base sa claim ng scammer na nadetine ito para dahil sa smuggling o pagpuslit ng 18 kilos ng alluvial gold bars at nagpadala pa ng larawan sa Australian national ng pekeng sulat na nilagdaan umano ni Tansingco.
Nakasaad sa naturang liham na nakadetine ang nasabing Pinay dahil sa kulang ito sa dokumento para magbiyahe dala ang gold bars at kailangan na magbayad ng $4,000 para sa ownership certificate para sa gold bars.
Paglilinaw ng BI na hindi nila hurisdiksiyon ang pag-inspeksiyon ng luggage ng pasahero dahil may hiwalay na ahensiya ng gobyerno ang nakatuon dito.
Ayon pa kay tansingco, hindi awtorisado ang BI agents para makatanggap ng pera sa pamamagitan ng wire transfers para sa mga proseso sa immigration.