Ipinag-utos na ng Bureau of Immigration (BI) ang pagpapa-deport sa Japanese national na wanted sa kanilang bansa dahil sa pagnanakaw.
Ayon kay Immigration Commissioner Norman Tansingco, ito ay matapos maaresto kahapon ang suspek na si Nagaura Hiroki sa Brgy. Poblacion sa Makati City.
Sabi ni Tansingco, 2022 pa nakahanda ang kautusan para sa summary deportation ng dayuhan kaya mamadaliin na ang pagpapabalik sa kaniya sa Tokyo.
Bawal na rin siyang bumalik ng Pilipinas kahit kailan dahil sa pagkakalagay sa kaniya sa Immigration blacklist ng undesirable aliens.
Dumating sa bansa si Hiroki noong November 2019 bilang turista pero noong 2022 lamang nalaman ng Immigration na may kaso pala ito sa Japan dahil sa pagnanakaw sa bahay at pagpapanggap bilang isang pulis.
Nakakulong ngayon sa Camp Bagong Diwa ang suspek habang naghihintay ng deportation proceedings.