Tiniyak ng Bureau of Immigration (BI) sa Senado na naririto pa sa bansa si Kingdom of Jesus Christ (KOJC) leader Pastor Apollo Quiboloy.
Sa kabila na rin ito ng mga balita na diumano’y nakalabas na ng Pilipinas si Quiboloy.
Ayon kay BI Legal Division Chief Atty. Arvin Cesar Santos, base sa kanilang records, sa last na flight ni Quiboloy, dumating ito sa bansa noong July 22, 2023.
Ibig sabihin, hanggang ngayon ay nasa bansa pa rin si Quiboloy at wala pa itong record na nakaalis ulit ng Pilipinas.
Samantala, sinabi naman ni Senior State Counsel Mary Grace Quintana na maaari nang mag-isyu ang Department of Justice (DOJ) ng Immigration Lookout Bulletin Order (ILBO) lalo’t may ongoing na imbestigasyon na rito ang Senado.
Magkagayunman, nagpaalala si Quintana kay Senator Risa Hontiveros na kahit mag-isyu ang DOJ ng ILBO ay hindi ito maaaring gamitin para pigilan ang isang indibidwal na makalabas ng bansa kundi ito ay para lamang i-monitor ang movement ng isang tao.