BI, puspusan sa pagpapabuti ng kanilang ahensya upang hindi maulit ang pastillas scheme

Naglatag ng mga plano ang Bureau of Immigration (BI) upang hindi na maulat ang tinaguriang “pastillas” scheme na kinasangkutan ng ilan sa mga opisyal at kawani nito.

Sinabi ni Immigration Spokesperson Dana Sandoval, sinisilip nito ang paglalagay ng mas maraming CCTV camera sa mga paliparan upang mapigilan ang naturang modus.

Kasabay rin nito ang pagpapabuti ng kanilang organizational structure at ang mga naunang pagbabago na ipinatupad ng ahensya nang pumutok ang naturang isyu.


Maliban dito, binigyan naman ng kapangyarihan ang Intelligence Division ng BI upang magsilbing mata sa kanilang mga tauhan sa mga paliparan.

Mababatid na naungkat ang pastillas scheme matapos itong isiniwalat ni Senator Risa Hontiveros kung saan hinahayaang makapasok ng ilang immigration personnel sa bansa ang mga Chinese travellers bilang turista na kalaunan ay magtatrabaho sa mga Philippine Offshore Gaming Operations (POGO) hubs sa kapalit na 10,000 pesos na nirorolyo sa papel katulad ng pastillas.

Ayon kay Justice Secretary Menardo Guevarra, nagresulta ito sa pagkakasibak ng 45 tauhan ng BI kung saan habang buhay na silang pagbabawalang makapagtrabaho sa gobyerno at hindi sila mabibigyan ng mga benepisyo.

Facebook Comments