BICAM ng 2026 budget, pinababantayang mabuti sa publiko

Nanawagan si Senator Bam Aquino sa publiko na bantayang mabuti ang Bicameral Conference Committee deliberations para sa 2026 national budget.

Matatandaang sa bicam umano nangyari ang hokus-pokus sa paglilipat ng ilang proyekto sa unprogrammed funds na diumanong ginamit sa anomalya sa flood control projects.

Ayon kay Aquino, mahalagang maging mapagmatyag ang taumbayan upang matiyak na mananatiling buo ang pondo para sa edukasyon at hindi ito mauwi sa korapsyon.

Pinuri niya na sa Senate version ng 2026 budget ay hindi nabawasan ang P1.38 trillion na pondo para sa edukasyon—ang pinakamalaki sa kasaysayan ng bansa.

Giit ng senador, dapat matiyak na walang mapopondohan na proyektong alanganin at walang mababawasan sa mga programang kapaki-pakinabang.

Naniniwala si Aquino na ang tinatawag niyang “education budget” ang tutugon sa malaking classroom backlog at magpapalakas sa nutrisyon ng mga mag-aaral.

Samantala, magsisimula bukas ang bicam deliberations na gaganapin sa PICC.

Facebook Comments