
Iniurong na sa Sabado, December 13, ang Bicameral Conference Committee para sa ₱6.793 trillion na 2026 national budget.
Paliwanag ni Senate President Tito Sotto III at Finance Committee Chairman Sherwin Gatchalian, kinailangan nilang iurong ang petsa ng BICAM dahil ang technical staff ng parehong Senado at Kamara ay humiling ng isa pang araw para magbalangkas ng detalye ng matrix at pagkasunduin ang mga conflicting o magkakaibang probisyon at halaga ng mga proyekto.
Tinukoy ni Sotto na ginawa ito dahil ang budget documents ngayong taon ay pinaghiwa-hiwalay at isinama na ang technical description sa bawat proyekto.
Tinitiyak naman ng senate president na lahat ng detalye sa budget kasama ang mga annexes ay maipapakita bilang transparency at nang sa gayon ay masuri ng mabuti ng Senado at Kamara ang budget versions ng bawat kapulungan.
Gayunman, hindi pa masabi ni Sotto kung isasagawa ng 2 o 3 araw ang bicam.
Ang BICAM ay idaraos na sa PICC at muling tiniyak ni Sotto na naka-livestream ang buong proseso ng BICAM sa budget.









