
Naaresto ng Philippine National Police (PNP) at ng Bureau of Immigration (BI) sa suporta ng Philippine Army ang isang Jordanian national na may negosyo na base sa record ay konektado umano sa mga suspek ng Sydney terror attack noong Disyembre 2025.
Kinilala ang suspek na si Mohammad Odeh Saleh Odeh, 65 taong gulang at nahaharap sa kasong paglabag sa Philippine Immigration Act of 1940 partikular na ang overstaying at pagkakaroon ng negosyo na walang kaukulang visa o permit.
Batay sa ginawang pagsisiyasat sa travel at immigration ni Odeh, mula 2014 hanggang 2025 ay madalas itong pumunta sa Jordan, Saudi Arabia, Australia, Indonesia, the United Arab Emirates, Qatar, and Malaysia.
Base rin sa record, mayroon din itong Temporary Residence Visa noong 2023 kung saan valid lang ito hanggang March 2025 kung saan sa immigration records ay nananatili ito sa Pilipinas ng humigit kumulang 10 buwan matapos itong maexpire.
Kaugnay nito, sa inisyal na imbestigasyon hindi pa naman naeestablish ang direkta nitong pagkakasangkot sa nasabing terrorist activity.
Samantala, naaresto ang nasabing suspek sa kanyang business establishment sa Pagadian City at nasa kustodiya na ng pulisya para sa dokumentasyon at legal na proseso.










