Bicam report ng 2023 budget, tinutulan ng Kabataan Party-list

Tumututol ang Kabataan Party-list sa bicameral conference committee report o ang pinagsanib na bersyon ng 2023 national budget ng Kongreso kasama ang Senado dahil taliwas umano ito sa interes ng nakararaming Pilipino.

Pangunahing ikinadismaya ni Kabataan Party-list Representative Raoul Manuel ang pagkaltas sa pondo para sa scholarships at libreng edukasyon at para sa state universities and colleges pero buong-buo na binibigay ang confidential and intelligence funds ng Office of the President, Office of the Vice President (OVP) at Department of Education (DepEd).

Matindi rin ang puna ni Manuel na ibinigay ng buo ang 10 bilyon piso na budget para sa Barangay Development Program ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict o NTF-ELCAC.


Diin pa ni Manuel, hindi totoo ang sinabi ng Malacañang na kasama sa 2023 national budget ang pondo pang-ayuda para sa milyun-milyong Pilipinong naghihirap sa gitna ng walang ampat na pagtaas ng presyo ng mga bilihin.

Ayon kay Manuel, ang nasa 2023 national budget ay targeted cash assistance programs na pinapatupad na ng gobyerno bago pa higit na tumaas ang inflation rate sa bansa.

Facebook Comments