Bicam sa 2021 budget, tatapusin sa Biyernes

Plano ng bicameral conference committee na tapusin hanggang sa Biyernes ang pagbusisi at pagsasaayos sa ₱4.5 trillion na panukalang 2021 national budget.

Nakatakda naman bukas, December 1, ang pagsalang sa bicam ng pambansang pondo habang ngayong araw naman ay nagsagawa ng pre-bicam meeting kung saan pinag-uusapan ang magiging protocols.

Ayon kay House Appropriations Chairman Eric Yap, sa gagawing deliberasyon ay ipagkakasundo ng House contingent ang kanilang proposed amendments sa bersyon naman ng Senado.


Kung mayroon mang duplications, ipapalipat nila ang mga pondong ito sa ibang ahensya na higit na nangangailangan.

Isa naman sa pangunahing amyenda ng Kamara ay ang pagbibigay ng karagdagang P5 Billion na calamity funds sa susunod na taon upang matulungan ang mga apektado ng sunud-sunod na bagyo sa Luzon.

Samantala, tiniyak naman ni Yap na walang naging papel si Speaker Lord Allan Velasco sa ginawang amendments ng mga ahensya sa 2021 budget.

Nauna nitong nilinaw na ang mga ahensya ang siyang may kapangyarihan at karapatan sa mga amyenda sa budget at hindi ang Kamara o mga kongresista.

Facebook Comments