Bicam sa budget, sisimulan na bukas ng Kongreso

Sisimulan na bukas ang bicameral conference committee hearing para sa 2023 General Appropriations Bill (GAB).

Matapos na pagtibayin kahapon sa ikalawa, ikatlo at huling pagbasa ang panukalang P5.268 trillion na pondo para sa susunod na taon, itinakda na agad bukas, araw ng Biyernes ang bicam para rito.

Gaganapin ito sa Manila Polo Club sa Makati, alas-10 ng umaga.


Sa bicameral conference committee meeting ay pagkakasunduin ng Senado at Kamara ang mga magkakasalungat na probisyong nakapaloob sa 2023 budget.

Ang bicam panel ng Senado ay pamumunuan ni Senate Committee on Finance Chairman Senator Sonny Angara at miyembro naman ng Senate bicam panel sina Senator Pia Cayetano, Loren Legarda, Imee Marcos, Cynthia Villar, Ronald Bato dela Rosa, Sherwin Gatchalian, Christopher “Bong” Go, Risa Hontiveros, Nancy Binay, Grace Poe, Francis Tolentino, Mark Villar, JV Ejercito, Alan Peter Cayetano, Chiz Escudero at Jinggoy Estrada.

Sa ipinasang bersyon ng Senado, mahigit P152 million na alokasyon para sa confidential at intelligence funds (CIF) ang inilipat sa maintenance and other operating expenses (MOOE) ng iba’t ibang ahensya ng gobyerno kung saan kasama sa nailipat ang P100 million mula sa P150 million na CIF ng Department of Education (DepEd).

Ang ibinawas na CIF sa DepEd ay inilipat naman sa healthy learning institution program ng ahensya na pakikinabangan pa rin ng mga mag-aaral.

Hindi naman inalis ang P500 million na CIF mula sa Office of the Vice President.

Facebook Comments