Sisikapin ng bicameral conference committee na maisumite kay Pangulong Rodrigo Duterte ang 2021 General Appropriations Act (GAA) sa loob ng tatlong linggo.
Ayon kay House Appropriations Committee Chairman Eric Yap, target nilang maihatid sa lamesa ng Pangulo ang P4.5 trillion 2021 national budget sa loob ng tatlong linggo upang bago mag-Pasko ay malagdaan na ito at tuluyan nang mapagtibay.
Aabot ng apat na araw ang encoding ng amendments sa panukalang pambansang pondo habang aabutin naman ng isang linggo ang pag-iimprenta nito.
Nauna nang nagkasundo ang Senate at House contingent na tapusin ngayong linggo o hanggang sa Biyernes ang pagkakasundo sa mga disagreeing provisions sa 2021 budget upang maiwasan ang pagkakaroon ng re-enacted budget.
Muli namang tiniyak ni Yap na walang iregularidad sa 2021 GAA partikular sa infrastructure project allocations sa kada distrito.
Umaasa naman si Yap na kakatigan ng Senado ang dagdag na P5 billion calamity fund na isinusulong ni House Speaker Lord Allan Velasco para sa reconstruction at rehabilitation ng mga lugar na sinalanta ng magkakasunod na bagyo.