Niratipikahan na ng Mababang Kapulungan ng Kongreso ang bicameral conference committee report para sa ₱165.5 billion na Bayanihan to Recover as One Act o Bayanihan 2.
Sa ilalim ng Bayanihan 2 ay mayroong ₱140 billion na available funds habang ₱25.5 billion naman ang inilaan na standby fund.
Nakapaloob sa Bayanihan 2 ang pagbibigay ng ₱5,000 hanggang ₱8,000 na ayuda sa ilalim ng Social Amelioration Program (SAP) para sa mga low-income households sa mga piling lugar na nasa ilalim ng hard lockdown dahil sa mataas na kaso ng COVID-19, mga households na may umuwing Overseas Filipino Workers (OFW) at mga displaced workers.
Pinakamalaking bahagi ng pondo ay para sa pautang at assistance sa mga micro, small, and medium enterprises (MSMEs) na nagkakahalaga ng ₱39.47 billion, assistance sa Agriculture at Fisheries na ₱24 billion, dagdag na hiring ng mga health care workers na ₱13.5 billion, cash for work program na ₱13 billion, tulong para sa mga Public Utility Vehicles (PUV) drivers at iba pang programa ng Department of Transportation (DOTr) na ₱9.5 billion, hiring ng dagdag na contact tracers na ₱5 billion at pagtatayo ng temporary medical isolation at quarantine facilities gayundin ang expansion ng kapasidad ng mga government hospitals na ₱4.5 billion.
Binibigyan ng 60 araw na moratorium ang mga may utang sa bansa habang 30 araw naman na palugit sa mga hindi agad makakapagbayad ng kuryente, tubig, at renta ng bahay o pwesto ng negosyo na nasa ilalim ng Enhanced Community Quarantine (ECQ) at Modified Enhanced Community Quarantine (MECQ).
Nakapaloob naman sa ₱25.5 billion na standby fund ang ₱10 billion na pambili ng COVID-19 vaccines at testing.
Ang Bayanihan 2 ay may bisa o validity hanggang Disyembre 19, 2020.
Pinakakontrobersyal naman sa Bayanihan 2 ang ₱10 billion na pondo para sa industriya ng turismo na hinati na lamang sa ₱6 billion para sa assistance sa mga MSMEs na nasa turismo sa ilalim ng Department of Trade and Industry (DTI), ₱3 billion para sa mga manggagawang nawalan ng trabaho sa tourism industry, at ₱1 billion naman para sa tourism-infrastructure program ng Department of Public Works and Highways (DPWH).