Region 5-Bikol: Mag-Ingat sa HIV-AIDS, 587 Naitalang Positibo

Nararapat bigyang pansin ngayon ng mga Local Government Units sa Kabikolan at mga kinauukulang ahensiya ng pamahalaan ang isyu tungkol sa pagkalat ng HIV-AIDS. Ito ay matapos magpalabas ng datos kamakailan lamang ang Department of Health Region 5 kung saan umaabot na sa kabuuang bilang na 587 cases ang naitala sa 6 na probinsiyang sakop,samantalang isa ang hindi pa tukoy.

Tunghayan sa ibaba ang detalye ng bawat probinsiyang sakop ng Region 5 kaugnay ng bilang ng mga taong naitalang positibo sa HIV-AIDS simula 1984 hanggang May 2017:

Albay-178, Camarines Norte-42, Camarines Sur-213, Catanduanes-20, Masbate-54, Sorsogon-81, Unknown-1. Total-587


Samantala, sa Camarines Sur na may kabuuang bilang na 213, tunghayan sa ibaba ang distribution details sa mga bayan at siyudad na sakop ng probinsiya:

Baao-8, Balatan-1, Bato-2, Bombon-2, Buhi-8, Cabusao-2, Calabanga-6, Camaligan-2, Canaman-3, Caramoan-1, Del Gallego-1, Gainza-1, Goa-7, Iriga City-11, Lagonoy-6, Libmanan-6, Magarao-8, Milaor-3, Minalabac-5, Nabua-6, Naga City-75, Ocampo-2, Pamplona-3, Pasacao-5, Pili-8, Presentacion-1, Ragay-6, San Fernando-2, San Jose-2, Sipocot-1, Tigaon-3, Tinambac-5, at Unknown-9. TOTAL- 213

Sa gitna ng nasabing bilang ng mga HIV-AIDS cases, patuloy sa pagpapaigting ng kampanya ang DOH, Naga City Health Office at pamunuan ng BMC para maitaas ang antas ng kamalayan ng mga mamamayan tungkol dito at maiwasan ang pagkalat nito.

Sa Naga City, aminado si Naga City Health Officer Dr. Vito Borja na mataas nga ang naitalang bilang ng mga HIV-AIDS cases. Binigyang diin niya na patuloy ang kanilang kampanya at pagpapakalat ng impormasyon tungkol sa HIV-AIDS at kung papaano ito maiwasan. Idinagdag pa ni Borja na bukas ang kanilang tanggapan sa anumang konsultasyong may kaugnayang dito. Patuloy din sila sa paghihikayat sa publiko na huwag mag-alinlangang magpakonsulta kung sakaling may kakaibang sakit na nararamdaman lalung-lalo na sa mga sexually active individuals with multiple partners dahil ito ang kalimitang sanhi ng pagkakaroon ng virus.

Samantala, sinabi naman ni Dr. Joey Rañola, Infectious Decease Specialist ng Bikol Medical Center na pantay ang kanilang pagtrato sa lahat ng pasyente, may HIV-AIDS man ito wala. Sa pakikipag-ugnayan ng DWNX Naga 1611, napag-alaman na LIBRE, WALANG BAYAD ang ANTI-RETRO VIRALS – gamot na binibigay ng DOH sa mga pasyenteng positibo sa HIV-AIDS. Nakakatulong ang nasabing gamot para maiwasan ang pagkalat ng virus sa katawan ng pasyente.

Para kay Rañola, kagaya rin ng ordinaryong pasyente ang tratong kanilang ibinibigay sa mga may ganitong kaso. Kinakailangan din ang atensyon at pag-unawa ng buong pamilya para sa mga pasyente na kumpirmadong positibo sa HIV-AIDS. Binigyang diin din ng doctor na kung malaman ng mas maaga ang situasyon, mas maaga ring mabigyan ng angkop na pagtugon sa kalagayan ng pasyente kasabay ng pagbibigay ng libreng gamot dito.

Para sa karagdagang impormasyon at tulong tungkol sa HIV-AIDS, huwag mag-atubili, huwag matakot at huwag mahiyang sumangguni sa mga City/Municipal Health Officers ng inyong mga Local Government Units o di kaya’y sa pinakamalapit na tanggapan ng Department of Health sa inyong lugar.


Facebook Comments