BIFF, inako ang responsibilidad sa nangyaring pag-atake sa bayan ng Datu, Piang sa Maguindanao

Inako ng grupong Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) ang responsibilidad sa nangyaring pag-atake sa bayan ng Datu Piang, Maguindanao kung saan sinunog nila ang police patrol car at isang military detachment.

Ayon kay Abu Jihad, tagapagsalita ng BIFF, napilitan umano silang umatake dahil sa talamak na iligal na aktibidad sa bayan kabilang ang pagbebenta ng iligal na droga at mga alak.

Paliwanag pa ni Jihad, mahigpit na ipinagbabawal sa kanilang paniniwala ang pag-gamit ng anumang bisyo kung kaya’t hindi sila titigil hangga’t hindi nahihinto ang mga ganitong aktibidad sa Datu Piang.


Samantala, tiniyak naman ni Armed Forces of the Philippines Chief Gen. Gilbert Gapay na ang pag-atakeng ito ng mga miyembro ng BIFF ay hindi maihahalintulad sa Marawi Siege noong 2017.

Ayon kay Gapay, malabong maulit pa ang nangyari sa Marawi at isolated case lamang na maituturing ang pag-atake ng BIFF.

Sa ngayon ay nagsasagawa na ng joint investigation ang tropa ng militar at pulis sa insidente na isa umanong malinaw na gawa ng terorismo.

Facebook Comments