Big-time smugglers ng agricultural products, pinatutugis ng isang senador

Kinalampag ni Senator Sherwin Gatchalian ang mga kaukulang ahensya na kumilos na para tugisin ang mga smuggler ng mga produktong agrikultural.

Sinita ni Gatchalian na kaliwa’t kanan ang mga nakukumpiskang smuggled na mga produkto ngunit hindi pa rin masawata o mahuli ang mga ‘big fish’ o iyong mga utak sa iligal na pag-aangkat ng mga produkto.

Tinukoy ng senador na sa isinagawang imbestigasyon ng Senado noong nakaraang taon ay lumabas ang ilang indibidwal na sangkot sa malakihang pagpupuslit ng mga agricultural product.


Pinaaagapan ni Gatchalian sa mga kinauukulan ang problemang ito na nagiging pangunahing sanhi ng pagtaas sa presyo ng mga bilihin, nagpapahina sa productivity ng mga magsasaka at nagdudulot ng malaking pagkalugi sa gobyerno.

Nanawagan din si Gatchalian sa maayos na pagpapatupad ng Republic Act 10845, o ang batas laban sa mga large-scale agricultural smuggling.

Giit ng mambabatas, matapos na maisabatas ito noong 2016 ay talamak pa rin ang agricultural smuggling sa bansa at wala pa ring malalaking smugglers na napaparusahan.

Facebook Comments