Nilinaw ng Philippine National Police (PNP) na walang kinalaman sa katatapos lamang na Pista ng Poong Itim na Nazareno ang biglaang pagsipa ng COVID-19 cases sa kanilang hanay.
Ayon kay Administrative Support vo COVID-19 Operations Task Force (ASCOTF) Commander Police Lt. Gen. Guillermo Eleazar, ang mataas na bilang ng mga bagong COVID-19 cases na naitala nitong nakalipas na weekend ay kasunod ng pagbabakasyon sa probinsya ng ilan nilang mga tauhan.
Sa interview naman ng RMN Manila, sinabi ni PNP Spokesperson Police Brig. Gen. Ildebrandi Usana na mahigpit ang paalala ng PNP sa lahat ng kapulisan na sumunod sa health protocols.
“Bago pa man ho nangyari yung sa Nazareno, kahit pa yung Christmas hanggang New Year, sadyang binigyan ng panuntunan ng mga commanders ang kanilang personnels for deployment na mag-ingat, i-maintain ang kanilang minimum health protocols… Wala naman pong naitala na sadya pong tumaas ang bilang ng pagkakahawa pagkatapos po nitong Christmas, New Year at Traslacion,” paliwanag ni Usana.
Umabot na sa 9,621 ang kabuuang kaso ng COVID-19 sa hanay ng PNP.
9,098 rito ang gumaling na habang nananatili sa 28 ang nasawi.