Biglaang pagsirit ng presyo ng pagkain sa palengke, dapat pigilan ng DA at DTI

Kinalampag ni Committee on Economic Affairs Chairperson Senator Imee Marcos ang Department of Agriculture o DA at Department of Trade and Industry o DTI.

Ito ay para pigilan ang biglaang pagsirit ng presyo ng mga bilihin sa kabila ng report ng Philipine Statistics Authority o PSA na nasa 2.5% lang ang inflation rate nitong Oktubre.

Base sa survey sa mga palengke sa Quezon City, San Mateo at Maynila na isinagawa ng tanggapan ni Marcos, ay lumitaw na sumipa sa 33.3% hanggang sa 200% ang presyo ng mga gulay.


Tumaas naman mula 13.3% hanggang 100% ang presyo ng baboy, manok at baka sa mga palengke habang ang presyo ng isda ay tumaas naman ng 25% hanggang 33.3%.

Dahil dito ay hinahanap ni Marcos ang price monitors na lubos na kailangan ngayong nakaka-apekto na sa presyo ng mga bilihin ang paghagupit ng mga Bagyong Quinta at Rolly.

Giit ni Marcos, hindi dapat tumunganga ang DA at DTI hanggang mailabas ng PSA ang susunod na ulat sa Disyembre bago pa matukoy ang mga suggested retail prices para sa baboy, manok, baka, isda at gulay.

Facebook Comments