BIGO PA RIN │Mga empleyado ng Manila City Hall, hindi pa rin makuha ang Christmas bonus

Manila, Philippines – Bigo pa rin ang libo-libong empleyado ng Manila City Hall na makuha ang kanilang Christmas bonus.

Ito ay kahit pa nakuha na ng ibang mga kawani ng pamahalaan ang kani kanilang mga 13th month pay.

Ayon sa ilang empleyado ng Manila City Hall na ayaw mag pabanggit ng pangalan dahil sa takot na mapag-initan – inaasahan sana nila ang pag anunsyo ng nasabing bonus kahapon kasabay ng kanilang flag raising ceremony dahil naglabas umano ng impormasyon ang Public Information Office na may magandang balita na i-aanunsyo si Manila Mayor Joseph Estrada.


Pero dahil hindi dumalo ang alkalde sa nasabing seremonya, buntong hininga na lang ang nagawa ng mga kawawang empleyado ng Manila City Hall.

Dagdag pa ng mga empleyado maliban sa kanilang Chritmas bonus ay hindi pa rin naibibgay ang parte ng kanilang Salary Standardization, gayundin ang rice at clothing allowance ng mga empleyado.

Pinilit ng DZXL na hingin ang panig ng Manila City Hall at ni mismong Manila Mayor Joseph Estrada hinggil sa problema ng kanyang mga tauhan pero ang isinagot lamang sa atin ng kanilang Public Information Officer ay “In Due Time”.

Walang ibinigay na dahilan ang pamahalaang lungsod ng Maynila kung bakit mistulang nililimos pa ng mga empleyado ang kanilang Christmas bonus.

Wala rin binigay na eksaktong araw o panahon ang Manila City Hall kung kailan matatanggap ng mga kawawang empleyado ng gobyerno sa Maynila ang kanilang karampatang mga benipisyo.

Facebook Comments