Magpapatupad ng dagdag presyo sa produktong petrolyo ang mga kompanya ng langis ngayong araw.
Nasa P2.30 ang dagdag sa kada litro ng diesel at P1.40 dagdag sa kada litro ng gasolina ang ipatutupad ng Shell, PTT Philippines, Caltex, Eastern Petroleum, Petro Gazz, Total, Jetti Pump, UniOil, SeaOil, Flying V, Phoenix Petroleum at Petron.
Magkakaroon din ang Shell, Petron, Caltex, SeaOil at Flying V ng P2 dagdag sa kada litro ng kerosene.
Epektibo ang mga bagong presyo ng Caltex at Eastern Petroleum kaninang alas-12 ng hatinggabi habang alas-6 ng umaga naman magpapatupad ang Shell, PTT Philippines, Petro Gazz, Total, Jetti Pump, UniOil, SeaOil, Petron, Phoenix Petroleum at Flying V.
Ayon kay Energy Undersecretary Felix William Fuentebella, nagkaroon ng taas-presyo dahil sa pagsipa ng presyo ng langis sa pandaigdigang merkado.
Ito na ang ikalawang sunod na linggo ngayong taon na nagkaroon ng taas-presyo sa petrolyo.
Kasabay nito, ilang gasolinahan din ang magpapatupad na ng ikalawang bugso ng excise tax o iyong mas mataas na buwis sa langis.
Halimbawa sa diesel, ang P2.30 na dagdag dahil sa import price ay papatungan pa ng P2.24 na excise tax kaya ang kabuuang dagdag ay P4.54 sa diesel.
Kung P1.40 naman ang taas-presyo sa gasolina dahil sa import price at P2.24 ang excise nito, P3.64 ang kabuuang taas-presyo ng gasolina.