Nakuhanan sa camera ang bihirang pagkakataon na naka-sakmal o muntik makakain ng sea lion ang isang balyena, sa Monterey Bay, California noong Hulyo 22.
Naniniwala ang wildlife photographer na kumuha ng larawang ito na si Chase Dekker, 27, na ito ang kauna-unahang beses na nakuhanan ang ganitong pangyayari.
Kuwento ni Dekker, mayroong tatlong humpback whale at nasa 200 sea lion ang sabay-sabay na kumakain ng mga maliliit na isda.
Karaniwan daw ay naiiwasan ng mga sea lion ang mga balyena tuwing nakikipag-kumpitensya ito sa pagkain kaya hindi inaasahan nang may isang nadali, ayon kay Dekker.
“Typically what happens is the sea lions are at the surface as they don’t dive as long and as deep, and when the whales start racing up to the surface to lunge and catch the fish, the sea lions can see, hear, and sense them coming and jump out of the way,” aniya.
Kadalasan din daw ay mabilis isinasara ng mga balyena ang mga bibig para hindi na makawala pa ang mga nahuling isda, ngunit sa pagkakataong iyon, nasa 15 segundong bukas ang bibig ng balyena na tila binibigyan ng oras makalangoy palayo ang sea lion.
Walang mga ngipin ang balyena, at halos kasing laki lang ng pakwan ang mga lalamunan nito kaya sigurado naman na ligtas ang sea lion.