Dumarami na ang gumagamit ng bisikleta lalo na sa mga papasok sa kanilang mga trabaho.
Sa tala ng Metro Manila Development Authority (MMDA), nasa 100,000 cyclists ang kanilang na-record nitong Hunyo at 77,000 noong Hulyo na dumadaan sa EDSA.
Ayon kay Aldrin Pelicano, founder ng MNL Moves, isang cycling community group, hindi na sila nasupresa sa pagdami ng taong nagbibisikleta lalo na sa Metro Manila.
Mungkahi rin nila sa MMDA na dapat ding isama sa average data traffic ang pedestrian at bicyclist data.
Ang mga datos aniya na ito ay makatutulong para maprotektahan ang mga nagbibisikleta.
Sinabi rin ni Pelicano na limitado pa lamang ang mga datos ng MMDA sa mga lokasyon ng bike lanes na matatagpuan sa EDSA at Ortigas Avenue, Commonwealth Avenue at Roxas Boulevard.
Noong Hunyo, isinama sa bilang ang mga nasa Aurora Boulevard, Shaw Boulevard at Taft Avenue.
Iginiit ni Pelicano na ang mga siklista ay maituturing frontliners dahil ginagamit nila ang bisikleta para makapasok sa kanilang trabaho.
Hinimok ng grupo ang national at local government officials na magdoble-kayod sa pagtatayo ng ligtas at magkakaugnay na bicycle lane networks sa Metro Manila para maproyektahan ang mga cycling citizens.
Sa datos ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) National Emmissions Inventory mula 2015 hanggang 2018, lumalabas na 65% ng polusyon sa hangin ay nanggagaling sa sasakyan, motorsiklo, truck at bus.