Pinaigting ng Manila Police District (MPD) Mobile Force Battalion ang Bike Patrol o pagronda ng mga pulis na nakasakay sa bisekleta.
Ang naturang hakbang ay bahagi ng pinag-ibayong crime prevention measures ng MPD.
Paraan din ito ng pag-monitor kung naipatutupad nang mahigpit ang mga patakaran sa ilalim ng Modified Enhanced Community Quarantine (MECQ).
Sa pamamagitan ng bike patrol ay mababantayan din ng mga awtoridad sa Maynila kung nasusunod ang health protocols laban sa COVID-19.
Ikinatuwa naman ni National Capital Region Police Office (NCRPO) Director Police Major General Debold Sinas ang nabanggit na hakbang ng MPD.
Ayon kay Sinas, bukod sa presensya sa mga lansangan para hadlangan ang mga krimen ay makatutulong din ang pagbibisekleta para mapanatili ang physical fitness ng mga pulis.