Bikoy, no show sa unang pagdinig sa kasong estafa na isinampa laban sa kanya sa DOJ

Hindi sumipot sa unang pagdinig sa DOJ si Peter Joemel Advincula alyas Bikoy kaugnay ng kasong estafa na isinampa laban sa kanya ng isang negosyante mula sa Sorsogon na si Arvin Valmores.

 

Wala ring abogadong nagsilbing kinatawan ni Bikoy sa pagdinig.

 

Bunga nito, itinakda ng DOJ ang susunod na pagdinig sa June 4 dakong alas-onse ng umaga.


 

Inihirit naman ng kampo ni Valmores na hihilingin nila sa DOJ   na i-submit for resolution na ang kaso kapag hindi pa muli dumalo sa susunod na hearing si Advincula.

 

Kasama naman ni Valmores na dumating sa DOJ ang kanyang mga abogado na si dating Bureau of Corrections Director General Atty. Benjamin Delos Santos at si PDEA Deputy Director General Ruel Lasala.

 

Si Arvin Valmores ay Presidente at CEO ng kumpanyang Ardeur World Marketing Corp. na distributor ng mga pabango sa Bicol Region.

 

Ayon kay Valmores, Agosto ng nakalipas na taon, nang mag-organize si Advincula ng isang beauty pageant  sa Polangui Albay, kung saan pinalabas nitong siya ang sponsor ng pageant pero gamit ang logo ng kumpanya ni Valmores.

 

Umabot aniya sa mahigit P304,000 ang natangay sa kanyang pera ni Advincula nang takbuhan nito ang mga kinuhang production staff.

Facebook Comments