ABRIL 2
Ipinalabas ang unang Bikoy online video na nagsasangkot sa anak ni Pangulong Duterte na si Paolo, sa manugang at asawa ni Mayor Sara na si Atty. Manases Carpio at sa kaalyado at ngayo’y tumatakbong senador na si Christopher “Bong” Go na sangkot sa illegal drug trade.
ABRIL 10
Ipinakita ni Go ang kanyang likod sa madla upang patunayang wala siyang tattoo na nakasaad sa Bikoy video.
ABRIL 17
Inatasan ni Justice Secretary Menardo Guevarra ang National Bureau of Investigation (NBI) na imbestigahan kung sino ang mga nasa likod na video.
ABRIL 22
Apat pang “Ang Totoong Narcolist” ang lumabas.
ABRIL 29
Nakakuha ng search warrant ang NBI Cybercrime Division para sa tinitirhan ni Rodel Jayme na inisyu ni Judge Andres Soriano ng Makati Regional Trial Court.
ABRIL 30
Iprinisenta ng NBI search warrant upang kumpiskahin ang mga computer at data na tumutungkol sa Bikoy online videos. Boluntaryong sumama si Jayme sa mga ahente ng NBI ayon kay Justice Secretary Menardo Guevarra papuntang headquarters at doon na siya inaresto.
MAYO 2
Inihayag ng NBI na nadakip na nila ang responsable sa paga-upload ng Bikoy online videos. Naghain ng kaso ang NBI laban kay Jayme ng paglabag ng Article 142 o Inciting to Sedition under the Revised Penal Code in relation to Section 6 of Republic Act 10175, otherwise known as the Cybercrime Prevention Act of 2012.
MAYO 3
Sinabi ni NBI spokesperson Deputy Director Ferdinand Lavin malaki ang posibilidad na maging state witness si Jayme. Inihayag naman ni Jayme na handa siyang makipagtulugnan. Ibinulgar din niyang mga supporter ng Liberal Party (LP) ang nasa likod ng paglika ng website.
MAYO 6
Inaprubahan ang resolusyon ni Acting Prosecutor General Richard Fadullon ang pagsasampa na kaso kay Jayme na inciting to sedition dahil sa pagkalat ng videos na nakasisira sa Pamilya Duterte.
Nagpakita na si “Bikoy” na nakilalang si Peter Joemel Advincula. Pinandigan ni Advincula sa harap ng media sa Integrated Bar of the Philippines na sangkot ang nakababatang Duterte at bayaw nitong si Carpio pati na rin si Go.
Sinabi rin ni Advincula na nais niyang idemanda sina Duterte at humingi ng legal assistance sa IBP at handa siyang magbigay ng salaysay sakaling magsagawa ng imbestigasyon ang Senado.
MAYO 7
Naglabas ang Misibis Bay management ng pahayag na nagpapasinungaling sa pahayag ni Advincula at nagbantang kakasuhan ito ng cyber libel.
MAYO 8
Tumanggi ang IBP sa hiling ni Advincula na legal aid. Ayon kay IBP national president Abdiel Fajardo ibinase ang desisyon batay sa “thorough evaluation” sa aplikasyon ni Advincula ng National Center for Legal Aid.
Inihayag ni Senate President Tito Sotto na lumapit na sa kanya dati si Advincula noong 2016 at nagsabing may impormasyon ito sa umano’y Bicol-based drug syndicates na Quadrangle Group na nakabase sa Misibis Bay, Albay na protektado nina dating Pangulong Noynoy Aquino, ang ngayo’y tumatakbong senador Mar Roxas at ang nakakulong na si Sen. Leila de Lima.
Beniripika ni Sotto ang impormasyong sinabi ni Advincula ngunit negatibo ang resulta ng sinabi ni Advincula. Tinawag na “information peddler” ni Philippine National Police (PNP) chief General Oscar Albayalde si Advincula.
Kinansela ni Senator Panfilo Lacson ang planong Senate hearing kung saan resource person si Advincula.
Binigyan ng ultimatum ni Justice Secretary Menardo Guevarra si Advincula, at nagbantang kakasuhan ng inciting to sedition kung hindi ito pupunta sa NBI upang magprisenta ng mga ebidensiya ukol sa kanyang akusasyon.