*Cauayan City, Isabela*- Patuloy ang itinataas ng insidente ng kagat ng aso sa Lungsod ng Cauayan batay sa pinakahuling talaan ng City Veterinary Office.
Ayon kay City Veterinary Officer Dr. Ronald Dalauidao, mahigpit ang paalala na ginagawa ng kanilang tanggapan upang maiwasan ang posibleng pagdami pa ng mga biktima ng kagat ng aso.
Dagdag pa ni Dr. Dalauidao, aabot sa 50 na libong aso ang hindi pa nababakunahan dahil sa kakulangan na rin ng gamot para sa mga ito.
Samantala, sa kabila ng pagdami ng mga asong kanilang nahuhuli na nasa ‘Animal Catching Facility’ kasabay nito ang pagbibigay paalala naman sa mga may ari na maaaring i-claim ang mga nahuling alagang aso sa loob lamang ng dalawang (2) linggo at kung hindi ito makuha sa nakasaad na bilang na araw ay maaari itong ipaampon sa mga gustong magkaroon ng aso o di kaya ay sasailalim sa ‘mercy killing’.
Pagmumultahin naman ng P1,000.00 batay sa nakasaad na ordinansa ang mga may ari ng aso na magclaim ng kanilang mga alaga habang dagdag na P200.00 piso sa kada araw na nasa impounding facility ang kanilang aso.
Ikinatuwa naman ni Dr. Dalauidao na 10 taon na ngayon ay wala pang naitatalang biktima ng nakamamatay na rabies.
Nagpaalala naman ang City Veterinary Office sa mga mabibiktima ng kagat ng aso na mangyaring ipasuri sa doktor at huwag tangkilikin ang tradisyunal na panggagamot na posibleng mauwi sa malalang sitwasyon.