Biktima ng Online Scam, Dumulog sa iFM Cauayan; Milyong halaga ng Pera, Natangay

Cauayan City, Isabela- Inireklamo ng mga biktima ng online scamming ang kanilang problema matapos matangay ang kanilang pera ng isang nagpakilalang negosyante sa likod ng kanyang Lucky Likers Club.

Una rito, nagpadala ng mensahe sa iFM Cauayan News Team ang ilang mga biktima ng online scam ng isang nagngangalang Francis Mateo Bragais na tubong Santiago City, Isabela.

Sa eksklusibong panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay alyas Andy, nangako umano si Bragais sa mga member nito na triple ang kanilang kikitain sa kahit konting halaga na kanilang iinvest sa kanyang negosyo.


May ilan din ang nag-invest ng P15,000 sa pag-aakalang dodoble ang kanilang pera subalit hindi nila inakala ang kahihinatnan ng kanilang ginawang investment.

Tinatayang nasa higit kumulang na P2 milyon ang natangay ni Bragais sa mga biktima na miyembro sa kanyang negosyo.

Bukod dito, nagpakita rin ng ilang dokumento ang suspek na magpapatunay aniya sa kanyang legal na negosyo gaya ng DTI Business Registration Permit kaya’t naengganyo naman ang mga biktima sa pagsali sa kanyang negosyo.

Iimbestigahan naman ng NBI ang reklamo para mapanagot ang suspek at kung mayroon pa itong kasamahan na posibleng sangkot sa online scam.

Facebook Comments