Binalaan ngayon ng Regional Anti-Cybercrime Unit 1 ang publiko ukol sa nauusong love o romance scam at padala scam dahil sa marami ang kanilang natatanggap na reklamo ukol dito.
Sa isang panayam, sinabi ni PSMS. Archimedes Fernandez, Chief Clerk at Chief Investigator ng RACU 1 na marami ngayon ang mga nabibiktima lalo ngayong tutok sa social media ang lahat maging sa dating sites kung saan kinukuha ang loob ng mga ito upang isakatuparan ang masamang gawain.
Marami umano sa mga nabibiktima ay edad na 30 hanggang 50 anyos na maaaring biyudo at biyuda at OFWs.
Modus umano ay ang paniniwalain at bibigyan ng pera at mga iba’t ibang gamit kapalit ng ilang halaga ng pera sa mga biktima.
Kadalasan umano sa mga ipinapadala at ipinapangako ay sa usaping kung saan milyon milyon ang kanilang nagiging transaksyon kapalit naman ng mga gamit o alahas.
Kaugnay naman nito ay may naitala noong taong 2020 na apat (4) na biktima ng love scam kung saan dalawang babae at dalawang lalaki habang pito (7) naman ang naitalang biktima ng romance scam ngayong taon kung saan apat ang lalaki at tatlo ang babae.
Karamihan pa umano sa mga biktima ay kalalakihan na marahil sa madaling mapaibig o mapaniwala dito.
Ipinaalala naman ni Fernandez sa publiko na kailangan mag ingat at huwag basta-basta maniwala sa mga nakilala lamang sa online at magbibigay ng impormasyon na maaaring gamitin laban sa mga biktima.###