Inihayag ng pamunuan ng Manila Police District (MPD) na nasa higit 30 na lamang ang aktibong kaso ng COVID-19 sa kanilang hanay.
Sa ibinahaging datos ni Police Capt. Philipp Ines na Chief ng MPD-PIO, nasa 34 na lamang ang bilang active cases habang wala silang naitalang bagong kaso kahapon.
Nasa lima naman ang bilang ng nasawing tauhan ng MPD pero umaabot sa 940 ang nakarekober sa COVID-19.
Sa kabuuan, pumalo sa 979 ang kabuuang bilang ng naitalang kumpirmadong kaso ng COVID-19 sa MPD.
Sa kabila nito, kasalukuyang tinututukan ng pamunuan ng MPD ang ilang personnel nito na nahawaan ng sakit para agad din silang makarekober.
Patuloy naman ang paalala ni MPD Director Police Brig. Gen. Leo Francisco sa kaniyang mga tauhan na magdoble ingat sa kanilang tungkulin upang hindi tamaan ng virus habang pinapairal din nila ang ilang guidelines sa ipinapatupad na health protocols.