Inihayag ng Taguig City Health Department na bumababa na ang bilang ng active cases ng COVID-19 sa lungsod.
Batay sa kanilang pinakahuling tala, ngayong umaga ay nasa 159 nalang ang aktibong kaso kumpara kahapon na nasa 178.
Ayon kay Taguig City Mayor Lino Cayetano, resulta ito ng kanilang mga ginagawang hakbang upang labanan ang banta ng COVID-19.
Sa kabila nito, hindi pa rin aniya dapat makampante ang publiko kung kaya’t nakikiusap ang alkalde sa mga residente na patuloy na sumunod sa mga ipinatutupad na mga protocol upang tuluyan nang maging zero case sa COVID-19 ang Taguig City.
Hinikayat din ng alkalde ang mga residente na huwag mag-alinlangan na dumulog sa malapit na health center kung sakaling may nararamdaman ang mga ito na sintomas ng COVID-19 at kung na-expose sa isang lugar o tao na positibo sa virus.
Samantala, sa kabuuan ay umabot na sa 8,257 ang naitalang kumpirmadong kaso ng COVID-19 pero sa nasabing bilang ay 8,038 dito ang mga gumaling na habang 60 naman ang nasawi.