Cauayan City, Isabela- Bumaba na sa 86 ang bilang ng aktibong kaso ng COVID-19 sa Lungsod ng Ilagan.
Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay Ginoong Paul Bacungan, information officer ng City of Ilagan, kahapon lamang aniya nang maitala ang nasabing bilang ng aktibong kaso sa Lungsod matapos ang ilang araw na pagsailalim sa Calibrated lockdown sa ilang mga lugar na nakapagtala ng positibong kaso.
Ito’y dahil na rin aniya sa mahigpit na pagpapatupad sa health and safety protocols sa Lungsod sa pangunguna ni City Mayor Jay Diaz.
Sinabi pa ng tagapagsalita na wala ng Purok o barangay sa Syudad ang naka-lockdown dahil natapos naman ang kanilang isinasagawang contact tracing.
Ayon pa kay Ginoong Bacungan, mas mabilis na rin ang kanilang pagkuha ng resulta antigen test dahil na rin sa tulong ng kanilang bagong testing laboratory sa Lungsod.
Ibinahagi rin nito na libre para sa lahat ng Ilagueño ang sumailalim sa antigen test kaya’t maaari aniya na magtungo lamang sa laboratoryo upang masuri sa COVID-19.
Samantala, magkakaroon ng maikling necrological service sa City hall ng Ilagan bukas, Enero 29, 2021 para sa namayapang bise alkalde na si Vedasto ‘Piding’ Villanueva upang masilayan rin ito ng ibang mga kakilala at mga empleyado ng Cityhall.
Nilinaw nito na walang isasagawang public viewing sa Cityhall upang maiwasan ang pagkalat ng COVID-19.
Pagkatapos ng gagawing necrological service ay dadalhin naman ang kanyang labi sa Cabisera 22 at doon na ilalagak.
Ihahatid na sa huling hantungan si late VM Villanueva sa darating na Sabado, Enero 30, 2021.