Inihayag ni San Juan City Mayor Francis Zamora na patuloy ang pagbaba ng bilang ng active cases ng COVID-19 sa lungsod.
Batay sa tala ng Health Department ng lungsod, nasa 48 na lang ang nananatili sa kanilang mga quarantine facility, matapos gumaling sa naturang sakit ang apat na mga indibiduwal na kabilang sa active cases.
Dahil dito, umaasa ang alkalde na tuluyan ng gagaling ang nasabing bilang ng active cases bago matapos ang 2020 at wala nang mai-infect o magpo-positibo ng COVID-19 sa lungsod.
Kaya naman hinimok din niya ang mga residente nito manatili sa loob ng bahay at sumunod sa mga ipinatutupad na health protocols laban sa COVID-19 upang maging ligtas.
Sa kabuoan, umabot na ng 3,385 ang kumpirmadong kaso ng COVID-19 sa San Juan, pero 3,241 dito ay mga nakarekober na mula sa naturang sakit at 96 naman ang mga nasawi.