Bilang ng casualty sa pagbaha sa Cagayan Valley, 24 na; 13 nawawala

Dalawampu’t apat (24) na indibidbwal na ang napaulat na namatay sa gitna ng malawakang pagbaha sa Cagayan Valley.

Ito ay base sa inisyal na report na nakalap ng Armed Forces of the Philippines (AFP) mula sa iba’t ibang search and rescue (SRR) eams na idineploy nito sa mga flooded areas sa rehiyon.

Ayon kay AFP spokesperson Major General Edgard Arevalo, ang mga SRR team ay nakakalat sa Sto. Tomas, Isabela; Sta. Ana, Cagayan; Tuguegarao City; Ilagan, Isabela at Sta. Praxedes, Cagayan.


May ilan ding naka-deploy sa ilang munisipalidad sa Cagayan kabilang ang Gattaran, Pamplona, Rizal, Lasam at Alcala.

Samantala, maliban sa mga naitalang nasawi, 13 rin ang naiulat na nawawala.

Umapela naman si Arevalo ng mas marami pang relief items at food packs para sa mga biktima ng baha sa rehiyon.

Samantala, sa interview ng RMN Manila, sinabi ni PNP chief General Debold Sinas, 63 mula sa kabuuang 84 bilang ng munisipalidad sa Cagayan Valley ang naapektuhan ng pagbaha matapos na magpakawala ng tubig ang Magat Dam bunsod na rin ng epekto ng bagyo.

“Aside sa baha, meron ding nangyaring landslide. Dito sa Cagayan province, apat na municipalities ang naapektuhan, sa Nueva Vizcaya, isa ang naapaketuhan,” ani Sinas.

Nasa halos 13,000 pamilya o mahigit 50,000 indibidwal ang nananatili ngayon sa 1,288 evacuation centers sa buong rehiyon.

Aabot naman sa 11,990 pamilya o 44,256 katao ang mas piniling magpunta sa kanilang mga kaanak o kakilala.

Facebook Comments