Bilang ng contact tracers sa bansa, higit 46,000 na – DILG

Umaabot na sa 46,338 contact tracers ang naglilingkod sa mga Local Government Units (LGU) para matunton ang mga indibiduwal na nagkaroon ng contact sa COVID-19 positive patient.

Sa datos ng Department of the Interior and Local Government (DILG), kulang pa rin ito ng 3,662 para mabuo ang target na 50,000 contact tracers sa ilalim ng Bayanihan to Recover as One Act o Bayanihan 2.

Ayon kay Interior Secretary Eduardo Año, mapapalakas nito ang COVID-19 response ng bansa at kakayahan sa contact tracing.


Magiging maayos ang paglaban sa pandemya kapag ang mga contact tracers ay nai-deploy sa mga lokalidad.

Magpapakalat din ng contact tracing teams sa mga evacuation centers para maipatupad ang minimum health standards, pagsusulong nang maayos na kalusugan sa mga bakwit at pamamahagi ng face masks, alcohol at iba pang medical supplies.

Umapela ang DILG ang mga LGU na abisuhan ang pamahalaan kung mangangailangan pa sila ng karagdagang contact tracers.

Ang higit 46,000 contact tracers ay dagdag sa kasalukuyang 97,400 na una nang na-hire ng pamahalaan.

Facebook Comments