Bilang ng COVID-19 cases sa bansa, pumalo na sa 56,259; record-high 2,009 new recoveries, naitala

Lumobo na sa 56,259 ang bilang ng kaso ng COVID-19 sa Pilipinas.

Ito ay makaraang makapagtala ng 2,124 na bagong kaso ng COVID-19 ang Department of Health (DOH) kahapon, July 12, 2020.

Sa kabuuang bilang, 38,679 ang active cases habang umabot na sa 16,046 ang mga gumaling matapos makapagtala ng 2,009 new recoveries.


Nasa 162 naman ang nadagdag sa bilang ng mga nasawi na ngayo’y sumampa na sa 1,534.

Base sa datos ng DOH, pinakamarami o 61.1% ng mga bagong bilang ng nasawi ay naitala sa Central Visayas habang 22.8% sa National Capital Region (NCR).

Paliwanag ni DOH Usec. Maria Rosario Vergeire, hindi lahat ng bagong death cases na naiulat ngayong araw ay nasawi kahapon.

Aniya, 51 lamang sa bagong bilang ng nasawi ang nangyari ngayong buwan habang 90 ay nasawi pa noong Hunyo at 20 noong Mayo.

Ayon pa kay Vergeire, ang mataas na bilang ng mga bagong kaso, nasawi at gumaling dahil sa COVID-19 ay bunga ng reconciliation efforts ng DOH at Local Government Units (LGUs).

Asahan na aniya na sa mga susunod na araw ay makapagtatala pa ng pagtaas ng kaso dahil sa mabilis na pag-uulat ng datos.

Una rito, bigong makapagbigay ng COVID-19 update ang DOH kahapon dahil kinukumpleto pa nila ang mga datos mula sa bawat rehiyon.

Facebook Comments