Bilang ng enrollees sa buong bansa, nasa 67.9% pa lang ayon sa DepEd

Umabot na sa mahigit 18.87 milyong mag-aaral sa buong bansa ang nakapag-enroll na sa mga private at public school para sa susunod na pasukan.

Ayon sa Department of Education (DepEd), ang nasabing bilang ay katumbas ng 67.9% enrollees, na mas mababa noong 2019 na umabot sa mahigit 27 milyon.

Sa kanilang tala, ang pampublikong paaralan sa bansa ay mayroon ng mahigit 17.957 milyong enrollees o katumbas ng 79.5%.


Habang sa private schools, kasama na ang State Universities and Colleges (SUCs) ay mayroong mahigit 894,000 na enrollees o 20.7%.

Nauna nang sinabi ni DepEd Secretary Leonor Briones na karamihan sa private school at SUCs sa bansa ay sa Agosto pa magsisimula ng enrollment.

Ang mga grade level na mga nagpa-enroll para sa School Year 2020-2021 ay ang kindergarten, elementary, junior high school, senior high school, non-graded learner with disability at Alternative Learning System (ALS).

Matatandaang pinalawig pa ng kagawaran ang deadline ng enrollment hanggang sa July 15, 2020 dahil sa mababang turnout ng enrollees.

Samantala, ngayong araw ay magpupulong ang mga opisyal ng DepEd upang pag-usapan ang gagawing paghahanda sa pagbubukas ng klase sa pamamagitan ng Brigada Eskwela at Oplan Balik-Eskwela na ginagawa taon-taon sa lahat ng public schools sa buong bansa.

Facebook Comments