Ikinokonsidera ng susunod na pinuno ng Presidential Communications Operations Office (PCOO) na gawing criteria ang dami ng followers at engagements sa pagbibigay ng akreditasyon sa mga vlogger upang makapag-cover ng mga press briefing sa Malacañang.
Ayon kay incoming Press Secretary Atty. Trixie Cruz-Angeles, kasalukuyan nilang pinag-aaralan ang existing policy ng vlogger accreditation na nagsimula sa ilalim ng Duterte administration.
Sa ngayon aniya ay hindi niya masabi kung ang akreditasyon ng vlogger ay magiging kagaya sa mga lehitimong mamamahayag na nagko-cover sa Malacañang.
Sa ilalim ng kasalukuyang polisiya, dapat na hindi bababa sa 20,000 ang followers ng isang vlogger para siya ay ma-accredit.
Para kay Cruz-Angeles, mahalaga rin ang engagements dahil nangangahulugan ito na interesado ang mga tao sa sinusulat o ipinapakita ng mga vlogger.
Samantala, sa usapin naman ng pagtrato sa mga vlogger at journalist, sinabi ni Cruz-Angeles na may mga pagkakaiba ang mga ito na dapat ikonsidera.
Punto niya, dapat na gumawa ang gobyerno ng polisiya na naaayon sa Konstitusyon para maging makatwiran sakaling gumawa ng mga patakaran upang paburan o paghigpitan ang isang partikular na grupo.