Bilang ng kaso ng COVID-19 nitong Setyembre, bumaba ng 34% kumpara sa naitala nitong Agosto

Bumaba ng 34% ang naitalang kaso ng COVID-19 sa buwan ng Setyembre kumpara sa datos na naitala noong Agosto.

Ayon sa Department of Health (DOH), aabot lamang sa 69,442 COVID-19 cases ang naitala nitong Setyembre kumpara sa 104,455 cases para sa buwan ng Agosto.

Lumalabas na mula sa 3,370 daily average noong Agosto ay bumaba sa 2,315 ang daily average cases ng sakit nitong Setyembre.


Ito rin ang pinakambabang naitalang bagong kaso sa nakalipas na tatlong buwan kung saan aabot lamang 13,883 COVID-19 cases at may daily average na 463 ang naitala nitong Hunyo.

Samantala, nakapagtala ang DOH ng panibagong 2,489 kaso ng sakit kahapon dahilan para umakyat sa 29,118 ang aktibong kaso mula sa 28,172 na naitala nitong Huwebes.

Ito rin ang ikalawang magkasunod na araw na higit 2,000 kaso ng COVID-19 ang naitala.

Umakyat naman sa 3,855,975 ang bilang ng gumaling sa virus matapos madagdagan ng 1,497 kahapon habang pumalo na sa 62,497 ang nasawi sa COVID-19 matapos makapagtala ng 31 bagong nasawi kahapon.

Facebook Comments