Patuloy na tumaas ang kaso ng cybercrime sa gitna ng nagpapatuloy na COVID-19 pandemic sa bansa ayon sa National Bureau of Investigation (NBI).
Sa interview ng RMN-Manila, sinabi ni NBI Cybercrime Division Chief Victor Lorenzo na dumoble ang bilang ng mga nagrereklamo sa kanilang tanggapan hinggil sa kaso ng online scams.
Ginagawa rin aniyang platform ng mga online scammer ang social media para makapanloko ng tao.
Habang pangunahin sa mga inirereklamo ng mga biktima ay ang mga taong nag-aalok sa kanila ng trabaho at produkto sa social media at lumalabas na hindi naman totoo.
Maliban dito, ayon pa kay Lorenzo, patok din ngayon sa mga online scammers ang pagsasagwa ng pekeng donation drives kasunod na rin ng pananalasa ng mga bagyo nitong mga nakalipas na buwan.
Nagbabala rin ang ahensya sa ‘phishing’ o ang pagkuha sa account information ng isang indibidwal kabilang ang detalye ng bank accounts at ang posibleng online investment scam.
Sa huli, nagpaalala si Lorenzo na huwag basta-basta maniniwala sa mga alok na trabaho at investment sa social media at palaging suriin ang presyo, kalidad at reviews ng bibilihing produkto.